Lunes, Disyembre 5, 2011

Retorika

1.) Bakit mahalaga ang retorika sa pang araw-araw na buhay ng tao?

Mahalaga ang retorika sa pang araw-araw na buhay ng tao dahil ito ay nagbibigay daan sa mga aktibidadis na ginagawa ng tao tulad ng pakikipag-usap, pakikipag-argumento at paghahanap ng impormasyon at kaalaman. Sa pakikipag-usap, mahalagang sangkap ang retorika upang maipahayag ng mabuti at komprehensibo ang mga damdamin ng nag-uusap. Mahalaga rin ito sa pakikipag-argumento dahil ito ay tanda ng  pagbibigay diin sa mga puntong nais na ipahayag. Mahalaga rin ito upang magkaroon ng maayos na pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawang panig na hindi magkasundo sa iisang pamamaraan o paniniwala. Higit sa lahat, ang retorika ay mainam na instrumento sa pagkakalap ng impormasyon at pamamahagi nito. Sapagkat kinakailangan ng tao ang matuto at malinang ang pag-iisip.

2.) Ano ang kahalagahan ng retorika sa:

a. Edukasyon
Sa pamamagitan ng retorika, tayo ay nagkakaroon ng pagkakataon na magbigay ng panuto at paglalapat nito sa anumang bagay na may kaalaman tayo. Ang retorika rin ay nagbibigay daan upang malaman natin nang maayos at mainam ang mga dapat nating matutunan sa pag-aaral at magamit ito sa pakikipag-ugnayan sa mga kapwa mag-aaral. Tulad ng mga bagay-bagay na nabibigyan ng angkop na pangalan at tawag, nalalaman natin ang saysay at gamit nito. Ang retorika rin ang ginagamit na  "medium" ng mga guro at propesor sa paghahatid ng mga impormasyon at kaalaman na dapat na malaman ng kanilang mga mag-aaral.

b. Relihiyon
Sa relihiyon, mahalaga ang retorika sa pagpapalawak ng pananaw upang magkaroon ng kaisahan ang mga magkakasalungat na paniniwala ng bawat relihiyon. Ang retorika ay mabisang paraan sa pagsusuplay ng dahilan at pangangatwiran. Ang mga alagad ng simbahan tulad ng mga pari ay masasabing mga retor na kailangang magkaroon ng malawak na pag-iisip at mabisang pananalita upang maipahayag nang may galang at kabanalan ang mga salita ng Diyos.

 c. Kursong Pinili
Ang aking kursong pinili ay nangangailangan ng pakikipag-usap at pakikipag-argumento nang may saysay at mabisang paraan upang makahikayat ng mga taong nakikinig. Sa pamamagitan ng retorika, magkakaroon ako ng kalakasan sa pagtatalumpati at pagsasalita sa harap ng maraming tao. Sa pamamagitan nito, naipapahayag ko nang may katuturan ang mga ideya at paniniwala na nais kong iparating sa mga tagapakinig.Nakatutulong din ang retorika sa pagbibigay diin sa aking mga punto at dahilan sa pag-aargumento at pakikipag-usap.